Expanded Senior Citizens Bill dapat nang ipatupad
.

Matapos makapasa sa kongreso, ngayon ay pirma na lamang ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang kailangan upang tuluyan nang maipatupad ang expanded senior citizen bill na kung saan malilibre ang mga Filipinong senior citizens sa pagbabayad ng 12 percent na value added tax.

Ngunit mukha yatang ayaw pang pirmahan ni Pangulong GMA ang nasabing panukula.

Marami tuloy ang nagsasabing wala itong simpatiya sa mga lolo at lola dahil sa kakaunting bagay na maituturing na maibibigay sa mga ito ay ayaw pa nitong ipagkaloob. Ano nga ba naman ang 12 percent na maii-libre sa mga matatanda? Kung tutuusin ay kakaunti lamang ito at mararapat lamang naman siguro na maibigay ito sa mga senior citizen sa Pilipinas. Kaya sana ay sa lalong madaling panahon ay mapakinabangan na ito. At isa pa kung tutuusin ay napakakaunti ang mga benepisyo na ibinibigay sa mga matatanda sa Pilipinas kaya huwag na itong pag-isipan pa ng matagal.

Uminit tuloy ang ulo ng maraming mambabatas sa kumalat na balita na ibi-veto o ipapawalang bisa ni GMA ang pinaghirapang batas ng Kongreso. Kung susumain ay hindi naman kalakihan ang perang mawawala sa gobyerno para ipagkait ang 12 percent ng VAT exemption lalo na kung ito’y mapupunta sa magandang bagay imbes na ibulsa ng mga corrupt officials.

Sino nga ba naman ang matutuwa kung hindi maisasabatas ito! Alam ng lahat na ito ay dapat lamang ipatupad dahil sa marami ang makikinabang kaya sana kung may plano nga si GMA na ipawalang bisa ito ay mag-isip isip din sana siya dahil isa rin siya sa makikinabang nito ‘pag naging senior citizen na rin siya.

Siguro naman dapat bumawi ni GMA kahit man lang sa nalalabing buwan ng kanyang panunungkulan bilang Presidente ng Pilipinas para naman kahit papaano ay maibsan ang pagkadismaya ng maraming Filipino dahil sa mga batikos na ibinabato sa kanya at sa kanyang pamilya.

Kaya mahal na Pangulo, ibalato mo na ang expanded senior citizen bill para sa kapakanan ng mga matatandang Filipino na nanilbihan sa bansang Pilipinas ng mahabang panahon (MHC).