Alcohol-Hiks (Alocoholics)

 

Ang alcoholic drinks, o alak ay isang inumin na may sangkap na alcohol. Karaniwan itong iniinom kapag may espesyal na okasyon o salu-salo, ngunit pwede pa rin kahit na walang okasyon. Ika nga ng iba’y pangpa-relax. Socially acceptable ito sa ilang mga bansa sa Asya, Europa, at America; ito’y parte na ng kultura maliban sa ilang lugar sa Middle East. Ang relihiyon ay isa ring konsiderasyon sa pag-inom ng alak.

Masama ba ang pag-inom ng alak?

May mga researches na nagpapatunay na ang alak ay nakakatulong para mas maging healthy ang katawan. Ang ilan sa benepisyo ay ginagawa ng alak ang dugo na maging thinner o binabawasan ang lapot kung kaya’t ang puso ay di gaanong mahihirapan sa pag-pump ng dugo. Sa ganitong paraan, nakakatulong ito sa puso. Sa social aspect naman ng tao, ang pakikipag-inuman ay nagsisilbing "bonding" kasama ng ilang malapit na kaibigan at kamag-anak. Kaya naman ito rin ang ginagamit na pangbenta ng ilang produkto ng alak – "Iba na ang may pinagsamahan," ika nga nila. Kung hindi naman bonding, kasama ang alak sa celebrations. Sabi ng isa pang commercial ng alak – "para sa tagumpay." Pagpapatunay rin ito ng kalalakihan, ayon sa ibang tao kaya naman "inumin ng tunay na lalaki" ang pangumbinsi ng isa pang produkto ng alak. Alinman sa mga ito ang aayunan natin, wala namang masama kung ilugar at itama ang pag-inom ng alak. Isaalang-alang lang na ang lahat ng sobra sa katawan ay masama.

Ang alcohol na sangkap ng alak ay isang chemical na central nervous depressant. Ibig sabihin, tumutulong ito upang mapakalma o mag-slow down ang central nervous system. Ang mga enzymes sa atay ang syang tumutulong upang magawang ma-metabolize at mailabas sa katawan ang sobrang alak. Ngunit katulad ng ibang bahagi ng katawan, may hangganan ang kakayahan ng atay sa pag-detoxify. Kapag nasosobrahan ang pag-inom, higit pa sa kayang pag-detoxify ng atay, nagkakaroon ng alcohol intoxication. Sa simpleng salita, nalalasing. Hindi siguro bihira ang nakakaintindi sa kalasingan, subalit atin pa ring banggitin. Ang ilan sa mga ito’y pagbaba ng blood pressure, pagbilis ng pulso , pagbagal ng paghinga at pagbaba ng temperatura, pagkaantok, pagkabulol sa pagsasalita, pagbagal ng paggalaw ng bituka at intestines, pag-iisip at reflexes sa katawan. Ito ang mga dahilan kung bakit malapit sa sakuna ang mga alcohol intoxicated. Kaya nga sabi nila, "don’t drink and drive." Kung mabagal ang pag-iisip, reflexes at paggalaw ay hindi makakaya ng taong lasing ang pag-iwas sa disgrasya. Temporary lang naman ang mga sintomas ng pagkalasing subalit kapag unti-unti nang bumababa ang alcohol level ay mararansan naman ang alcohol withdrawal, hang-over sa madling-salita.

Kapag naging habitual ang pag-inom ay maaaring maging alcohol dependent ang tao. Dito na nagkakaroon ng mas marami at malalang problema ang isang manginginom. Sila ang tinatawag na alcoholics. Masasabi nating ang isang alcoholic ay hindi kayang mabuhay nang walang alcohol. Ang dahilan ay kailangan niyang uminom upang hindi magkaroon ng alcohol withdrawal. Nagiging mas kalmado sila kapag nakainom ng alak. Ngunit dahil sa kakailanganin din nya ng oras para uminom, lubos na naaapektuhan ang family at social life nila. Gayon din ang kanyang trabaho. Hindi na nila nagagampanan ang tungkulin sa pamilya at trabaho. Kalaunan ay umaabot ito sa wife/husband and children abuse dahil sa wala na sila sa katinuan kapag mayroong withdrawal symptoms at hindi makainom ng alak. Subalit hindi lamang ito ang nangyayari sa isang alcoholic. Nagkakaroon din sya ng brain atrophy (pagliit ng utak). Isa pa ay Wernicke-Korsakoff Syndrome (Thiamine o Vitamin B1 deficiency) kung saan biglang nagkakaroon ng confusion, pasuray-suray na paglakad, pagkaduling at hindi coordinated na paggalaw. Ang alcohol kasi ay sanhi upang hindi ma-absorb ang Vitamin B1 na kailangan ng nervous system. Nagkakaroon din ng gastritis o inflammation sa bituka kung kayat mararanasan ang mahapding sikmura. Ang alak ay nagdudulot ng over-production ng acids sa bituka kayat nagagasgas ang mucosal lining nito at namamaga. Pancreatitis, fatty liver, alcoholic hepatitis (pamamaga ng atay sanhi ng pag-inom ng labis na alcohol), liver cirrhosis (pagkasira ng cells sa atay), esophageal varices (pagkakaroon ng malalaking ugat na madaling pumutok sa esophagus o tubo na nagkoconnect sa bunganga at bituka), portal hypertension (pagtaas ng presyon ng dugo sa mga kalamnan sa tyan), cardiac arrhythmias (pagtigil sa pagpitik ng puso lalo na kung ang alak ay iniinom kasabay ng caffeinated drinks katulad ng kape), coronary artery disease (pagbara ng ugat kung saan dumadaloy ang dugong kinakailangan ng puso, sanhi ng cardiac arrest kapag totally blocked), peripheral neuropathy (abnormal na sensations na nararadaman sa mga paa at kamay katulad ng parang tinutusok ng karayom, pamamanhid, paghapdi), pagbaba ng sexual desire, paglaki ng suso ng isang lalaki (dahil sa pagtaas ng estrogen hormone na karaniwang mataas lamang sa babae), pagliit ng bayag, pagkakaroon ng abnormal na anak (kapag buntis) at hindi magandang pagtulog (pagkakaroon ng mga bangungot, madalas na pagkakagising o mahirap na pagtulog.) Ang lahat ng ito ay seryosong dahilan ng pagkasira ng katawan at maagang kamatayan.

Sa mga nabanggit, hindi naman lubusang masama ang pag-inom. Kinakailangan lamang na uminom sa tamang dahilan, sa tamang paraan, tamang lugar at panahon at sa sukat na tama lang para iyo. Kung ang dahilan ng pag-inom mo ay bonding, siguraduhing hindi ang pagkalasing mo ang sisira sa iyong social relationships. Kung pagre-relax naman, siguraduhing relaxed din ang mga mahal mo sa buhay habang ikaw ay umiinom. Kung celebration naman, tiyakin mong hindi ang napipintong maaga mong kamatayan ang dahilan ng iyong selebrasyon. Kailangan lamang tandaan, ang lahat ay may limitasyon, ang lahat ay may hangganan. Buhay ay iisa lamang, katawan ay pangalagaan!