Kailan kaya babalik si Juan dela Cruz

Sa tuwing magtatapos ang taon para sa mga mag-aaral na Pinoy sa Pilipinas lalo na sa mga estudyanteng nasa unibersidad, kapansin-pansin na kapag tatanungin sila kung ano ang kanilang susunod na plano pagkatapos mag-aral, iisa lamang ang kanilang isasagot, at ito ay ang maka-alis o makapunta sa ibang bansa sa paniniwalang doon sila makakuha ng isang magandang trabaho.

Sinasabing 80 porsiyento umano ng mga estudyante sa bansa ay may ganitong pananaw at mithiin sa buhay, sa dahilang ang pag-aa-broad ang nakikita nilang sagot upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan para sa kanilang sarili at pamilya.

At kapag itinanong mo sa kanila kung nais pa nilang bumalik sa Pilipinas, walang alinlangan silang sumasagot ng OO! Patunay lamang ito na umaalis ang karamihan sa mga Pinoy hindi dahil sa hindi nila mahal ang ating bayan ngunit dahil na rin sa hirap ng buhay na kanilang nararanasan kahit pa sila nakapagtapos ng kanilang pag-aaral.

Sino ba naman ang magnanais na iwanan ang kanyang mga mahal sa buhay para lamang makipagsapalaran sa ibang bayan?

Sa mga pagsusuring ginawa ng iba’t ibang ahensya ng ating pamahalaan at ng ilang mga pribadong grupo, lumalabas na humigit kumulang na siyam na milyong Filipino na ang nakatira ngayon sa ibang bansa at karamihan dito ay nasa Middle East, Amerika, Australia, Singapore , Hong Kong at Europa.

Nakakalungkot na isipin na noong mga nagdaang taon ng pamumuno ng administrasyong Arroyo ay wala silang naging programa upang mapigilan ang paglisan ng mga Filipino sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng maayos na trabaho bagkus ay hinikayat pa nila ang mga ito na makipagsapalaran sa ibang bansa kahit iwanan ang kanilang mga pamilya kapalit ang maginhawang buhay.

Magiging isa sa mga sukatan sa bagong administrasyong Aquino ay ang pagkitil sa katiwalian sa ating pamahalaan at ang pagsasaayos ng edukasyon at ekonomiya ng ating bayan. Kapag tuluyang naalis ang katiwalian sa ating pamahalaan at naiayos ang ating sistema sa pampublikong edukasyon, siguradong mas maraming dayuhang negosyante ang mamumuhunan sa ating bayan. Kapag nangyari ito, hindi na kailangan pang umalis ng Pilipinas si Juan Dela Cruz sapagkat mas marami nang maayos at disenteng trabaho ang naghihintay para sa kanya.

Tandaan natin na malaki ang nagiging epekto ng pag-alis ng isa o dalawang magulang sa pamilya.

Marami nang kabataan ang nalulong sa masasamang bisyo tulad ng droga, nabubuntis ng maaga at nasira ang kinabukasan dahil na rin sa kakulangan ng kalinga mula sa kanilang magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Makikita natin kung tagumpay nga si President Noynoy Aquino kung makakabalik na muli ang ilang milyong mga Filipino sa ating mahal na inang bayan dahil hindi na nila kailangan pang manirahan pa sa ibang bansa upang makakuha ng disenteng pagkakakitaan para sa kanilang pamilya.

Kapag nangyari ito, maraming pamilya ang mabubuo muli at sasama kay Aquino sa pagtahak ng ipinangako niyang matuwid na daan para sa mas maayos na kinabukasan. (MHC)