"Magtatapos na ang pagtitiis."

- Pangulong Benigno Aquino III

 

"Ngayon, sa araw na ito – dito magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng taumbayan. Hindi si Noynoy ang gumawa ng paraan, kayo ang dahilan kung bakit ngayon, magtatapos na ang pagtitiis ng sambayanan. Kami ay narito para magsilbi at hindi para maghari. Ang mandato ninyo sa amin ay pagbabago -- isang malinaw na utos para ayusin ang gobyerno at lipunan mula sa pamahalaang iilan lamang ang nakikinabang tungo sa isang pamahalaang kabutihan ng mamamayan ang pinangangalagaan," pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ito ang ilan lamang sa mga sinabi sa kanyang talumpati matapos ang pormal na nanumpa noong Miyerkules, Hunyo 30, si Pangulong Benigno Noynoy Aquino III bilang ika-15 Pangulo ng bansa kasabay ng pangako na matatapos na ang pagtitiis ng sambayanan sa pagpasok ng kanyang administrasyon.

Opisyal na nanumpa si Aquino kay SC Associate Justice Conchita Carpio-Morales bago mag-alas 12:00 ng tanghali noong Miyerkules sa Quirino Grandstand, habang nanguna namang nanumpa sa tungkulin si Vice-President Jejomar Binay.

Samantala, sinabi rin ni Aquino na simula na ng kaniyang kalbaryo na sigurado naman aniyang makakaya kung magtutulong-tulong ang lahat.

"Ito naman po ang umpisa ng kalbaryo ko, nguni’t kung marami tayong magpapasan ng krus ay kakayanin natin ito, gaano man kabigat," sabi ni Aquino sa kaniyang inaugural address na tumagal ng nasa 22 minuto.

Sinabi pa ni Aquino na hindi niya inakala na darating siya sa punto na manunumpa bilang Pangulo ng bansa lalo pa’t simple lamang ang mga pangarap niya sa buhay, ang maging tapat sa kaniyang mga magulang at sa bayan at maging isang mabait na kuya.

Bukod pa rito nangako rin si Aquino na tatapusin ang kahirapan sa pamamagitan ng tapat na pamamahala.

"Ang ating panguna-hing tungkulin ay ang magsikap na mai-angat ang bansa mula sa kahirapan, sa pamamagitan ng pagpapairal ng katapatan at mabuting pamamalakad sa pamahalaan," wika pa ni Noynoy.

Ayon pa sa kanya, sisiguraduhin niyang matutupad ang mga ipinangako niya sa araw ng kaniyang panunumpa sa tungkulin.

"Hindi ko makakayang harapin ang aking mga magulang at kayong mga nagdala sa akin sa yugto ng buhay kong ito, kung hindi ko maisasakatuparan ang aking mga binitawang salita sa araw na ito," dagdag pa nito.

Sa kabila namang banda sinasabing, pangkalahatang naging mapayapa ang kabuuan ng inaugural ceremony ni Noynoy, ito ay ayon na rin sa naging pahayag ni Manila Police Distric director C Supt. Rodolfo Rosales.

Paliwanag ni Rosales, bunga ito ng kanilang mahigpit na preparasyon at maagang pagpapatupad ng security plan sa buong lugar ng okasyon.

Magugunitang kalahating milyon ang dumalo sa inagurasyon, habang 6,000 ang nakatalagang miyembro ng pulisya para mangalaga ng kaayusan. Ulat ni Mitch Hermano