PDEA nanawagan ng tulong laban sa ilegal na droga

Halos ilang araw pa lamang na nakapasok ang bagong administrasyong Aquino, ay tahasang umapela at nanawagan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lahat ng sektor na tulungan umano sila sa kanilang paglaban sa ilegal na droga sa bansa.

Base sa naging pahayag ni PDEA Director General Dionisio Santiago, nakatakdang isulong sa pagbubukas ng 15th Congress ang ilang probisyon sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan nais nilang isama sa naturang batas ay ang batay mismo sa mga aktuwal na karanasan ng ahensya sa pakikipaglaban sa ilegal na droga.

Idinagdag pa nito na may mga pagkakataong ang mga nahuhuli nilang nagtutulak ng ilegal na droga ay mga miyembro ng pamilya na kung saan ay napipilitang pasukin ang nasabing ilegal na gawain dahil na rin mismo sa kawalan ng maayos na trabaho at kahirapan sa buhay.

Dahil sa mga ganitong pangyayari, ayon pa sa opisyal, inirerekomenda niya na patawan na lamang ng mandatory community service ang mga mahuhuling nagtutulak ng droga lalo na ang mga mahuhuli sa unang paglabag.

Sinabi rin ni Santiago na sa kasalukuyan ay nakikipagtulungan ang kanilang ahensya sa iba pang sangay ng pamahalaan para sa pagsugpo sa bawal na gamot.

Hinikayat rin niya ang mga malalaking kumpanya na gampanan nito ang kanilang tungkulin sa lipunan sa pagtulong na masugpo ang operasyon ng ilegal na gamot sa bansa. Ulat ni Michelle H. Carandang