Hurricane Alex tumama sa Gulf of Mexico

 

Lubhang naapektuhan ang isinasagawang oil clean-up operation ng British Petroleum (BP) nang tamaan ng hurricane Alex ang Gulf of Mexico noong Miyerkules.

Pansamantalang itinigil ang skimming, dispersant flights at pagsusunog ng langis sa gulf dahil sa lakas ng hangin at alon. Ayon sa National Weather Service, New Orleans, bago pa man ito maging ganap na hurricane, ang tropical storm Alex ay lumikha ng 6-foot (1.8m) na alon. Ito rin ang kauna-unahan sa sinasabing Atlantic season nitong taon.

Napilitang bumalik sa pampang ng Louisana, Mississippi, Florida at Alabama ang mga skimming ship dahil sa lakas ng hangin at dambuhalang alon. Kasalukuyan pa ring naglalabas ng libu-libong barile ng langis ang nasirang pipe mula pa noong Abril.

Samantala, inabot na ng $2.65bilyon ang kinakailangang halaga upang malinis ang oil leak ng British Petroleum (BP) oil spill sa Gulf of Mexico.

Ayon sa BP ang nabanggit na halaga ay pambayad din sa danyos na nilikha ng oil leak na lubhang nakaapekto sa kabuhayan ng maraming tao at bansang kalapit nito.

Sinasabing mayroon nang 39,000 katao ang nakaugnay sa response effort, 80,000 naman ang nagsumite ng claims samantalang 41,000 payments na ang isinagawa ng BP na inabot ng $128milyon.

Sinabi ng BP na inaasahan na nila na madadagdagan pa ang mga kaso at reklamo na nangangailangan ng pondo upang harapin ang mga ito. (Marivic Aquino)