Mahigit 100 katao natabunan sa landslide sa China

Tatlong bangkay pa lamang ang natatagpuan sa mahigit 100 katao na natabunan sa naganap na landslide noong Lunes sa Guizhou matapos ang walang tigil na ulan at pagbaha sa eastern at southern part ng China.

Pinaniniwalaan na wala nang buhay na maisasalba ang may mahigit na 1,100 rescuers na patuloy ang ginagawang paghuhukay. Sinasabing ang mga biktima na nasa 30 gusali ay inilibing ng buhay ng may 100,000 cubic metres na putik nang maganap ang landslide.

Tinatayang may 235 katao ang namatay, 2.4 milyon ang inilikas sa ligtas na lugar samantalang mahigit 100 pa ang pinaghahanap . Aabot umano sa 69 milyon katao ang apektado ng nabanggit na malakas na pag-ulan.

Naiulat din ang kawalan ng kuryente at tubig sa nasabing lugar, pagkasira ng mga kalsada at pagkasira ng may 33,000 kabahayan. Lubhang naapektuhan ang probinsiya ng Fujian, Hunan, Jiangxi, Guangxi, Guizhou at Sichuan ng nabanggit na bansa..

Ayon sa ulat, ang nabanggit na insidente ay siyang pinakagrabeng naganap mula noong 1988 na pumatay ng may 3,600 katao at 20 milyon naman ang inilikas. (Marivic Aquino)