![]() |
|
|
REBELDENG ANAK |
|
|
Dear Ms. K, Una sa lahat, malugod kong binabati ang kolum na ito. At nagpapasalamat dahil mayroon akong mahihingahan sa aking problema sa kasalukuyan. Isa po akong OFW sa Europa. Limang taon na ang nakakaraan nang lisanin ko ang bansa natin, at limang taon na rin akong hindi nakakauwi sa Pilipinas. Meron po akong tatlong anak na iniwan sa aking mga magulang sa probinsiya. Dalawa po ang nasa college na nasa Maynila at ang bunso po ay nasa high school kapiling ng aking mga magulang. Masasabi ko pong wala akong masyadong naging problema sa aking dalawang anak na nasa college.Ngunit sa kasalukuyan ay may malaki po akong suliranin sa aking bunsong lalaki na 15 anyos. Ayon po sa aking mga magulang ay nagrerebelde ito. At madalas daw silang ipatawag ng titser dahil sa maling gawain ng aking anak sa eskuwela. Madalas daw itong umuwi ng gabi at hindi nakikitang gumagawa ng kanyang assignment sa eskuwela. Ms K., nag-iisip po akong umuwi upang kausapin ang aking anak at paliwanagan sa aming sitwasyon ngunit malaki po ang aking panghihinayang sa gastusin sa pag-uwi lalo pa nga’t nag-iisa lang po akong nagtataguyod sa aking mga anak. Ramdam ko ang malaking sama ng loob sa akin ni bunso. Ano po ang aking gagawin? Ms. K., pagpayuhan nyo po ako. Umaasa, Ms. Single-mom
Dear Ms. Single-mom, Maraming salamat at napili mong pagkatiwalaan ang kolum na ito upang mabigyan-lunas ang iyong suliranin sa iyong anak na sabi mo ay nagrerebelde. Ms. Single-mom, ang iyong problema sa kasalukuyan ay normal na nagaganap sa mga magulang na may anak na teenager. Ang edad ng iyong bunso ay masasabi nating nasa difficult age or stage ng adolescence. Kung saan ang edad na ito (13-19 edad) ay nangangailangan ng atensyon at gabay ng mga magulang. Ito ang edad ng development ng puberty at maturity. Ang plano mong pag-uwi ay makabubuti upang makausap mo ang iyong mga anak lalo’t higit ang iyong bunso. Ipaliwanag mo sa kanila mula sa iyong puso ang iyong pagnanais na mapabuti ang kanilang kinabukasan kaya ikaw ay nagsakripisyong lumayo at magtrabaho sa ibang bansa. Iparamdam mo sa iyong mga anak na hindi hadlang ang distansiya upang magkaroon kayo ng magandang pagtitinginan. Huwag mo nang isipin ang magiging gastos mo sa pag-uwi lalo pa nga’t sabi mo ay limang taon mo nang hindi nakikita ang iyong mga anak. Panahon na para makapiling mo sila kahit saglit dahil sinisiguro kong nami-miss ka na nila at naghahangad ng atensyon at pagmamahal ng isang ina. Minsan kasi nakakalimot tayo na hindi pera at materyal na bagay lamang ang makapagpapaligaya sa ating mga anak, kundi ang purong pagmamahal at atensyon mula sa magulang. Panatilihin mong bukas at regular ang komunikasyon sa kanila. At higit sa lahat, huwag kalimutan na humingi ng gabay at magbigay ng pasasalamat sa Poong Maykapal. Nagpapasalamat, Ms.K
|
|
|