![]() |
|
|
Edukasyon naman ang tutukan |
|
Sa inilabas na report na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo para sa national budget ng taong 2010, P1.54 trillion ang perang kanyang imaprubahan, at laking tuwa ng marami lalo na mga guro at estudyante dahil sa ang pinakamalaking pondo ay mapupunta para sa sektor ng edukasyon ng bansa. Isa itong magandang balita para sa lahat,matatandaan na noong mga nakaraang taon ay sa defense department ang may pinakamalaking perang napupunta, ngunit ngayon ay nabago ang ihip ng hangin, walang masama rito, dahil sa totoo lang naman ay talagang malaki ang pangangailangan ng edukasyon ng bansa at yan ay saksi tayong lahat, lalo na sa mga kakulangan ng silid-aralan (classroom), mga guro at aklat lalo na sa mga pampublikong paaralan. Matatandaang 2001 nang naupo si President Arroyo at maaalala ang problema sa kakulangan ng classrooms. Tuwing school opening na lamang ay pinuproblema ang classrooms at napipilitang sa lobby magklase ang mga bata. Meron pa ngang dahil sa kagustuhang makapag-aral at makapagturo ay mismong ang ilang mga comfort room ng paaralan ay ginawa na ring mga classroom. Bukod sa kakulangan ng classroom, kulang din ang mga guro sapagkat mas marami ang nagnais na magtungo sa ibang bansa para mag-domestic helpers. Mas malaki ang kikitain sa pagpapaalila sa ibang bansa kaysa maging guro na karampot ang suweldo. At sa kakulangan ng suweldo, kailangan pang magtinda ng longganisa at tocino ang guro sa Pilipinas, hindi rin naibibigay ang mga tamang benepisyo para sa kanila. Kulang din ang textbooks at mga aklat at kailangan pang maghiraman ang mga estudyante. Ang matindi pa, ang textbooks na ipinamamahagi sa mga paaralan ay tadtad ng mga mali o errors. Isang dahilan kaya marahil maraming bata ang salat sa kaalaman. Ipinagmalaki ng Presidente na sa pagkakalagda niya sa trilyong pisong budget kung saan ang sector ng edukasyon ang prayoridad, makagagawa ng 100,000 classrooms, makapagha-hire nang maraming guro at makapagbibigay ng scholarships sa maraming kabataan. Sabi pa niya, kailangang magbuhos ng pondo sa edukasyon sapagkat naniniwala siyang ang kabataan ang kailangan at tanging pag-asa para umunlad ang bansa. Maganda ang kanyang iiwan sa mga kabataan kung magkakaroon ng katuparan ang lahat ng kanyang mga sinabi. Hindi naman maiiwasang magduda na baka "bulaklak lamang ng dila" ang mga tinuran at wala ring mangyari sa darating na panahon. Sa naka¬raan, marami siyang pinangako pero walang gaanong nakita at nadama ang mamamayan. Ang susunod na presidente ang aako kung sakali ng kanyang mga pinangako. Sana maging prayoridad nga ang edukasyon sa hinaharap. Mahalaga ang edukasyon para maging maunlad ang bansa. Lagi nating tatandaan na sa magandang edukasyon laging nagmumula ang isang magandang kinabukasan. (MCH). |