P7 bilyon, sobrang singil ng Meralco

 

Humaharap ngayon sa isang malaking pananagutan ang Manila Electric Company (Meralco) sa umano ay sobrang paniningil nito sa kanyang mga consumer na kung saan ay umabot ang nasabing over charging sa P7 bilyon, ito ang lumabas sa ginawang report at pag-aaral ng COA o ng Commission on Audi.

Dahil dito ay lubhang naalarma ang ilang mga mambabatas dahil sa hindi umano biro at malaki ang perang dapat isauli ng meralco sa publiko.

Ayon kay Agusan del Sur Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Plaza, isa sa mga senatorial candidate ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP), hindi dapat magpatumpik-tumpik ang gobyerno at agad na atasan ang Meralco na ibalik sa mga consumer ang nasabing halaga lalo na’t malaki ang posibilidad na tataas ang singil sa kuryente dahil sa mga nangyayaring brownout.

"Serious iyang report ng COA, kailangang maimbestigahan ng mabuti at kung sakali mang mapatunayang katulad noong nakaraan na kailangang maibalik sa consumers, mag-refund uli ang Meralco," ani Plaza.

Base sa COA report, isinama ng Meralco sa kanilang computation ang kanilang ari-arian na nagkakahalaga ng P3.7 bilyon noong 2004 at P3.5 bilyong halaga ng biniling equipments noong 2007 na siningil sa mga consumer.

Sinigundahan naman ito ni House Energy committee chairman Mikey Arroyo sabay ang pahayag na iligal at isang pang-aabuso ang ginawa ng Meralco dahil hindi dapat isama sa operations expenses ang kanilang capital expenditures.

"Why charge consumers for capital expenditures which are not necessary for the delivery of distribution services? Why include them in their computation for rate increase?" tanong ni Arroyo.

Hindi naman nagtaka si dating Negros Occidental Rep. Apolinario ‘Jun’ Lozada sa COA report dahil hindi umano titigil ang Meralco sa pagtataas ng singil sa kuryente hangga’t nakakasilip ng pagkakataon.

Ang Kamara ay magsasagawa ngayong araw ng imbestigasyon hinggil sa mga nararanasang brownout na pinangangambahang lalala sa araw ng halalan sa Mayo kapag hindi naagapan.

Samantala, sinabi nina Executive Secretary Eduardo Ermita at Deputy Presidential Spokesman Ricardo Saludo na tinitingnan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang nasabing bagay lalo na’t ang sinasabing iligal na dagdag na singil ng Meralco.

"Ito ay pag-aaralan ng gobyerno, titingnan ng ERC ito para magkaroon ng hustisya sa nasabing bagay sa lalong madaling panahon," ani Saludo.

Para naman sa Palasyo nanawagan ito at hinihikayat ang mga consumer groups na magsampa ng class suit sa Meralco kung ito ang pangunahing opsyon upang mapuwersa ang power firm na i-refund ang sobrang siningil sa kuryente.

Dinagdag pa ng Palasyo na, titiyakin ng gobyerno na makakatikim ng hustisya ang mga consumer sa oras na mapatunayang lumabag sa batas ang meralco. Ulat ni Michelle H. Carandang.