Sa
ipinakitang report ng World Press Freedom Review 2009 ng
International Press Institute, sinasabing ang taong 2000
hanggang 2009 ay ang dekada na may pinakamaraming pinatay sa
mga kasapi ng media.
Binansagan ngayon na "decade of death"
ang taong 2000s para sa mga miyembro ng media sa buong mundo.
"This decade is unlike
any other, because, in conflict countries such as Iraq,
Afghanistan, Somalia and Pakistan, it has seen the
deliberate targeting of journalists," ani Anthony Mills,
managing editor ng World Press Freedom Review.
Lumalabas na sa
kabuuan ay 735 na mga journalists ang pinatay noong
2000-2009 kung saan karamihan umano ay sadyang pinatay
habang ang iba naman ay naaksidente sa gitna ng trabaho.
Napag-alaman din na
pinakamarami sa nasawi ay mula sa Asya na mayroong 238,
Middle East at North Africa na may 202, Amerika na may 162,
68 sa Europe, 53 sa Africa at 12 sa Caribbean.
Sa mga bansa,
pinakamarami ang nasawi sa Iraq habang nagkokober ng
kaguluhan dulot ng insurhensya at sectarian violence.
Pangalawa ang
Pilipinas kung saan 93 ang kabuuang napatay sa loob ng isang
dekada kabilang na ang 32 pinatay noong Nobyembre 23, 2009
sa malagim na masaker sa Maguindanao.
Sinundan ito ng
Colombia na nasa 58 journalist ang nasawi dahil sa madalas
maipit sa engkuwentro sa pagitan ng FARC rebels at tropa ng
pamahalaan, habang 38 naman sa Mexico.
Tatlumpo’t limang
mamamahayag ang pinatay sa Russia, 31 sa Pakistan, 23 sa
India, 22 sa Somalia, 17 sa Brazil at 17 din sa Sri Lanka.
Ulat ni Michelle H. Carandang