Chinese new year, sinalubong ng malakas na snow

 

Sa kabila ng malakas na pagbuhos ng makapal na snow ay hindi nakahadlang ang malamig na panahon sa Beijing para sa pagsalubong ng mga Chinese sa Year of the Metal Tiger na kilala ring Lunar New Year o Spring Festival.

Kahit na umano sobra ang lamig na nararanasan ng mga mamamayan ng China, lumabas pa rin sa kanilang mga tahanan ang mg ito at sinalubong ang Lunar New Year sa pamamagitan ng paputok at kaliwa’t kanang fireworks display.

Puno ng mga dekorasyong umano’y nagtataboy sa masamang espiritu ang mga kabahayan sa China habang nagliwanag naman sa fireworks ang mga pangunahing lansangan sa Beijing at Shanghai.

Napag-alaman din na umaabot sa 52 ang sugatan sa pagsalubong ng China sa Chinese New Year habang umaabot sa 880,000 pulis ang ipinakalat upang magbantay sa seguridad.

Ngunit babala ng National Meteorological Administration, makakaranas ng malakas na pag-ulan ng yelo ang China sa susunod na mga araw.

Maaari umano itong makaapekto sa milyon-milyong bumibiyahe na umuwi para makasama ang kanilang pamilya sa Chinese New Year.

Sa Hong Kong, tahimik ang mga lansangan matapos na sarado ang mga tindahan.

Bagama’t nababalot ng fog ang tanyag na Victoria Harbour sa Hong Kong, tuloy pa rin umano ang Chinese New Year parade.

Sa Singapore, hinimok ng Prime Minister ang mga mamamayan nito na kalimutan ang paniniwalang maging ugaling-tigre rin ang ipinanganak sa Year of the Tiger.

Ayon sa Prime Minister, dapat gumawa ng maraming anak ang mga mamamayan ng kanyang bansa.

Samantala sa pambihirang pagkakataon, naitala ng Amerika ang sinasabing una pa lamang mangyari sa winter season na nagkaroon ng yelo sa 49 sa 50 estado ng Amerika.

Ayon kay David Robinson, head ng Global Snow Lab sa Rutgers University sa New Jersey, isa umano itong "Upside-down" winter kung saan tanging ang Hawaii lamang ang hindi kinakitaan ng snow.

Nang simulan ang pag-record sa snowfall sa mga estado ng Amerika sa winter season 43 taon na ang nakaraan, wala umanong masasabi na nagkaroon ng snow sa kabuuang 50 estado o kahit sa 49 states man lang.

Ngayon umano ay umaasa ang mga weather enthusiast na makakuha ng 50-for-50 states record ngunit bigo ang mga ito.

Ayon kay Robinson,ay naitala ang 67.1 porsiyento na kabuuan ng Amerika na balot ng yelo, malayo sa kadalasan ay 40 hanggang 50 porsiyento lamang na naitatala tuwing winter season.

Ngunit ang matinding winter season sa US ay nagdulot naman ng hindi magandang epekto matapos na ilang araw naparalisa ang federal government.

Naantala ang mga flights sa Atlanta airports habang sa Louisiana, nagkaubusan ng snow supplies at ang ibang lansangan sa ilang estado ay hindi madaanan. Ulat ni Mitch Hermano