'Human at divine justice' - mensahe ng Santo Papa

Dapat pairalin ng taos sa puso at walang pag-aalinlangan ang ‘human at divine justice’ upang maghari ang pagmamahalan, malasakit at hustisya.

Ito ang lenten message ni Pope Benedict XVI kasunod ng pormal na pagbubukas ng panahon ng kuwaresma sa pamamagitan ng Ash Wednesday.

Sinabi pa ng Santo Papa - hango sa pangaral ng Diyos, ang dakilang tagubilin sa tao ay ang paglaganap ng hustisya at malasakit sa mga estranghero at inaalipin.

Para makamit ang tagubilin na ito, kailangang tanggalin sa poot ng tao ang pagkamakasarili.

Samantala nagpahayag ng kanyang pagkadismaya ang santo papa sa mga obispo ng simbahang Katoliko sa Ireland.

Ito ay matapos ang sunod-sunod na eskandalo sa nasabing bansa kung saan pinagtatakpan umano ng mga obispo ang pang-aabusong sekswal ng mga pari sa kabataan sa Ireland.

Kinondena ng Santo Papa ang ginagawa ng mga Irish Catholic priests at tinawag na heinous crime ang pang-aabuso sa mga bata.

Sa isang pagpupulong sa Vatican na para lamang sa mga alagad ng simbahang Katoliko sa Ireland, inatasan nito ang mga obispo na gumawa ng hakbang upang maibalik ang moral credibility ng simbahan sa nasabing bansa.

Napag-alaman na natuklasan sa isinagawang imbestigasyon na itinago ng Catholic church ang mga files ukol sa mahigit 100 pa ring Katoliko na inakusahan ng sexual abuse sa mga batang lalaki at babae sa Dublin.

Hinamon din nito ang mga lider ng simbahan sa Ireland na maging matapang at magkaroon ng determinasyon na harapin ang panibagong eskandalo na kinasasangkutan ng simbahang Katoliko. Ulat ni Michelle H. Carandang