![]() |
|
Kailangan ng seryosong aksiyon |
|
Napag-uusapan na naman sa Senado ang planong decongestion o pagluwag ng Bilibid prison dahil na rin sa usaping pangkalusugan at safety regulations ng mga bilanggo. Kamakailan lamang ay nabanggit ni Senate Majority Leader Vicente Sotto lll ang kanyang proposal at paghahangad na maitayo ang mga regional jails upang kupkupin at ilipat ang maraming preso mula sa iba’t ibang probinsiya. Paano naman kasi ang 400-hectare National Penitentiary ay overpopulated na ng mahigit 200 porsiyento at sa 81 prisoners may isang jail warden lamang ang nakatalaga? Siksikan at animo’y mga sardinas ang mga preso sa loob ng kulungan. Kaya nga’t hindi malayo na mameligro ang kalusugan at magkahawaan ng sakit ang bawat isa, hindi pa man nasesentensiyahan, mararatay na sa sakit at kung mamalasin-mauunang husgahan ni Kamatayan! Panahon na upang magkaroon ng alternatibong solusyon at sersoyong programa ang gobyerno para sa Bilibid prison at paglaanan ng kaukulang budget ang decongestion program kung ito lamang ang paraan upang magkaroon ng tamang paglalagyan ang bawat bilanggo ayon sa kanilang nagawang krimen. Maganda rin naman ang proposal ni Justice Secretary Leila de Lima na ilipat ang inmates mula National Bilibid Prison (NBP) at ilipat sa Ihawig Penal Colony (Palawan) para naman lumuwag ang national prison compound sa Muntinlupa City. Isang epektibong paraan daw ito upang maputol ang pagbibigay ng special treatments sa ilang mayayamang inmates at matigil ang paghasik ng krimen ng gang leaders at ang paglawak ng drug trafficking sa loob mismo nito. Marapat lamang na paghiwa-hiwalayin ang grupong ito na walang tigil sa paggawa ng kalokohan at krimen kahit nasa loob na ng kulungan. Walang mga takot dahil may kapit sa loob? Ngunit kung iisipin ni Juan, kahit maging epektibo ang paghiwa-hiwalay ng gang leaders, drug traffickers, etc. kung ang mismong jail officers ay kayang suhulan ng pera magpapatuloy ang maduming gawaing ito. Dapat ayusin ng gobyerno ang prison system na papatakbuhin ng propesyunal at ng isang matapat na opisyal na hindi kayang suhulan ng salapi. At yung hindi magpapadala sa pulitika o magpapabola sa tamis na pangako ng isang politiko na kaanak o kaibigan ng ilang mayayamang inmates. Napapagod na si kaawa-awang Juan sa pakikinig ng mga plano at proposal. Sana nga, hindi lang puro laway ito at pam-pogi points ng ilang opisyal ng gobyerno. Kumilos at hindi lang dada. Hamon ni Juan dela Cruz: "Bring it on!" (Marivic Aquino) |