Mercito Gesta - Rising Pinoy Boxing Champion

Alam ng lahat na si Manny Pacquiao ang hari ng ring ng boxing, ngunit sa kabilang banda marami ang naniniwalang marami pang mga Pinoy ang susunod sa yapak ni Pacman at isa na rito sa Mercito Gesta ang sinasabing "The Rising Pinoy Boxing Champion".

Ang lahat ay namangha sa ipinakitang husay ni Gesta sa naganap na laban niya kay Ivan Valle sa Four Points Sheraton Hotel sa San Diego na kung saan ay sa unang round pa lamang ay napabagsak na nito ang kalaban habang tuluyan na niya itong tinalo sa second round.

Matapos ang laban na iyon, siya ay kinilala ring " Boxer Con Character of the Week" dahil sa dami ng tagahangang bumoto sa kanya.

Base rin sa inilabas na pahayag ng Golden Boy Promotions, ang pagkakapanalo ni Gesta laban kay Valle ang masasabing "biggest win" ng batang boksingero.

Napag-alaman din na dalawang beses na siyang lumaban sa ilalim ng Golden Boy Promotions at sinasabi ring interesado sa kanyan ngayon ang Oscar dela Hoya’s Golden Boy.

"I was surprised, I couldn’t believe that they voted for me. I just wanted to show and give them a good fight. I’m happy they like how I fight", naging pahayag ni Gesta.

Nang tanungin siya kung siya na nga ba ang papalit kay Manny Pacquiao, mariin nitong sinabi na kailan man ay hindi mapapalitan ang Pambansang Kamao ni Pacman at kung sakali umanong mabigyan siya ng pagkakataon ay gagawa siya ng bagong pa-ngalan sa mundo ng boxing.

Samantala, napag-alaman din na sa edad na 16 ay naitala niya ang kanyang unang panalo sa Joe Cantada Boxing Arena sa Barangay Bagumbayan Taguig City .

Ayon sa kanya, bukod sa matinding ensayo ay matindi rin niyang pinag-aaralan ang galaw at husay ng kanyang mga nakakalaban. Alam niyang marami pang mga kababayan nating mga Pinoy ang hindi pa nakakakilala sa kanyang pangalan ngunit umaasa niya na balang araw ay makikilala rin siya dahil sa kanyang mga ipinapakitang galing sa pagbo-boksing.

Si Gesta ay 23-taong gulang pa lamang, tubong Mandaue Cebu City at kasalukuyang may hawak na WBO NABO Youth Lightweight Champion at ang kanyang kamao ay nakapagtala na ng 20-0-1 10 KO.

Michelle H. Carandang