Sa ginanap na imbestigasyon ng Senate
Blue Ribbon Committee kamakalawa, nabanggit ni Cotabato
Archbishop Orlando Quevedo sa kanyang opening statement na
nagdesisyon ang pitong Obispo na ibalik sa PCSO ang mga
sasakyan.
Katunayan, kahapon ay iniwan sa parking
lot ng Senado ang apat na sasakyan na binili ng mga Obispo
mula sa pondo ng PCSO.
Nilinaw din sa pagdinig na hindi mga
Pajero ang binili ng mga obispo kundi mga sasakyan na
maaring ibiyahe sa mga bulubundukin at malala-yong lugar.
Anila, ginamit nila ang mga sasakyan sa
paghahatid ng mga relief goods at sa pagbibiyahe ng mga may
sakit lalo na mula sa mga lugar na hindi napapasok ng mga
ordinaryong sasakyan.
Kabilang sa mga sasakyan na iniwan ng mga
obispo ang Isuzu Crosswind na mula sa diocese ni Nueva
Segovia Archbishop Ernesto Salgada; Nissan Pathfinder at
Mitsubishi L-300 van na mula kay Bontoc-Lagawe Bishop
Rodolfo Beltran at Mitsubishi Strada na mula kay Abra Bishop
Leopoldo Jaucian.
Ang mga sasakyan naman mula sa mga obispo
sa Mindanao ay itu-turn over sa mga awtorisadong kinatawan
ng PCSO sa nasabing lugar.
Maliban sa mga nabanggit na obispo mula
sa Luzon, napagkalooban din ng pondo para ipambili ng
sasakyan sa kanilang diocese sina Butuan City Bishop Juan de
Dios Pueblos; Cotabato Archbishop Orlando Quevedo; Basilan
Bishop Martin Jumoad at Zamboanga Archbishop Romulo Valles.
Tanging si Salgado lamang sa hanay ng
pitong obispo ang hindi nakadalo sa hearing dahil nasa labas
ito ng bansa.
Sa ulat ng Commission on Audit, nasa P6.9
milyon ang pondong ipinalabas ng PCSO para sa mga sasakyan
ng mga obispo.(Marivic Aquino)