Nakahanda umano si suspended Autonomous Region for Muslim
Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na ibahagi ang
kanyang nalalaman sa Maguindanao masaker gayundin sa
nakaraang dayaan sa halalan na naganap noong panahon ng
administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Ayon sa Malacanang, pag-aaralan ng legal
team ang testimonyang ihahain ni Ampatuan kung makakatulong
ba sa paglutas ng kaso ng masaker.
Nilinaw din ng
Malacanang na hindi nila gagamitin na paghihiganti kay
Arroyo ang gagawing pagbu-bunyag ni Ampatuan ukol sa naganap
na dayaan sa nakaraang halalan.
Samantala, magbibitiw
umano sa kanilang puwesto ang dalawang state prosecutors ng
Department of Justice (DOJ) kung gagawing state witness ng
pamahalaan si Ampatuan. Anila, baka maulit lang muli ang
nangyari sa kaso ni dating Major Gen. Carlos Garcia nang
pumayag ang pamahalaan sa "plea bargaining."
Kung magiging ‘state
witness’ umano si Zaldy , magkakaroon ng pagkakataon ito na
makalaya at makukuha nito ang mga naka-freeze na ari-arian
ng kanilang pamilya para magamit nito at makabalik muli sa
kapangyarihan ang kanilang angkan.
Nakatakdang humarap
naman si Pangulong Noynoy Aquino sa mga kaanak ng mga
biktima ng masaker makaraang humingi ang mga ito ng audience
matapos mapabalita ang nakatakdang paglagay na ‘state
witness’ ni Ampatuan. Kokontrahin umano ng pamilya ng mga
biktima ang pagpayag ni Aquino na gawing testigo si Ampatuan.
(Marivic Aquino)