|
May Karapatang Ba Ang Asawa Ko Sa Mana?
Dear Atty. AGA,
Magandang araw po sa inyo Attorney. Mangyari
po ay sumulat ako tungkol sa problema ng asawa ko sa
kaniyang tiyuhin.
Ang tiyuhin po ng asawa ko ay hindi
nakapag-asawa at wala ring mga anak. Ang asawa ko po ay isa
sa apat na magkakapatid, at ang dalawa po dito ay nasa
Amerika na. Nitong huli po ay napag-alaman namin na gumawa
ng huling testamento ang tiyuhin ng aking asawa at
isinasalin ang lahat ng kaniyang mga ari-arian sa kapatid ng
asawa ko. Ang kapatid pong ito ng aking asawa ay nakapisan
sa matanda nilang tiyuhin at siyang nag-aalaga dito. Matanda
na po ang tiyuhin ng aking asawa at baka hindi na po ito
magtagal ng may sampung taon.
Nais ko po sanang linawin ang sitwasyon ng
aking asawa dahil tagapagmana din naman siya ng kaniyang
tiyuhin. Narinig ko po noon na hindi pwedeng pagkaitan ang
isang tagapagmana maliban lamang kung may pagkakasala siya
sa nagpapamana. May karapatan pa rin po ba ang asawa ko kung
hindi siya pagkaitan ng mana niya?
Gumagalang,
Lenita
Ang sitwasyon ng iyong asawa bilang
tagapagmana ay nakasalalay sa kabutihan ng kaniyang tiyuhin.
Dapat mong maunawaan na kahit tagapagmana
ang iyong asawa ng kaniyang tiyuhin, siya ay hindi isang
compulsory heir ayon sa Article 887 ng ating Kodigo Sibil.
Ang isang compulsory heir ay protektado ng ating batas sa
pamamagitan ng paglalaan dito ng legitime. Ang legitime ay
partikular na bahagi ng naiwan ng isang namatay o descedent
na hindi niya maaaring ipagkait sa sa kaniyang compulsory
heir (Art.886) maliban na lamang sa ilang dahilan sa ilalim
ng batas.
Dahil sa binata ang matandang tiyuhin ng
asawa mo, lumalabas na wala siyang compulsory heir at ang
lahat niyang maiiwan ay napapaloob sa free portion na maaari
niyang ibigay sa kaninuman niyang naisin, basta’t kusa ito
at walang pandaraya. Samakatwid, maaari niyang ibigay ang
lahat ng kaniyang iiwanang ari-arian sa kapatid ng asawa mo
na siyang nag-aalaga sa matanda. Sa kabilang banda, hindi
kailangang pagkaitan ang asawa mo ng kaniyang tiyuhin dahil
ang pagkakait o disinheritance ay para lamang sa isang
compulsory heir ayon sa Article 915 ng nasabing kodigo.
Malinaw ang intensyon ng batas na ang disinheritance ay para
lamang sa isang compulsory heir dahil siya lamang ang may
legitime. Ang ibang tagapagmana gaya ng iyong asawa na isang
collateral heir lamang ay magmamana lamang kung walang
testamento (Legal succession). Dahil may testamento ang
matanda, malinaw na gusto niyang ibigay ang kaniyang iiiwan
sa isang partikular na tao at kailangang igalang ng batas
ang kagustuhang iyon.
Sa moral na aspeto, hindi kayo dapat umaasa
sa manang galing sa matanda. Ito ay totoo din sa legal.
Kung kayo ay may mga bagay na nais malaman o
problemang nais na idulog, maaari kayong sumulat sa aming
tanggapan sa No. 1 San Clemente corner San Roque Streets,
Bo. Kapitolyo, Pasig 1603. Patuloy din tayong makinig sa
ating radio program, ITO ANG BATAS WITH ATTY. AGA, Lunes
hanggang Biyernes, 4:00-6:00, RMN Manila via live-streaming
at www.rmnnews.com/tv. Pwede ring mag-email sa arellanoaga@yahoo.com.
Lagi po nating tandaan,
ITAGUYOD NATIN ANG LAKAS NG ATING
BATAS!
|
|