Ang CBCP at ang PCSO fund scandal

Matapos ang ilang linggong pananahimik binasag na ngayon ng pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang kanilang sagot tungkol sa kontrobersyal na Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) fund scandal.

Sa isang pastoral statement na binasa ni CBCP president at Tandag Surigao del Sur Bishop Nereo Odchimar, tahasang inamin nito na labis na naapektuhan ang Simbahan sa nasabing iskandalo sabay ang paghingi ng paumanhin sa publiko

"Our Mother Church has been deeply wounded by the controversies in the Philippine Charity Sweepstakes Office that have erupted in the past two weeks... There is no doubt that everywhere in the Church there is great sorrow. We your pastors are one with you. As shepherds struggling to love you like Jesus the Good Shepherd, we are sorry for the pain and sadness that these events have brought upon you."

Binanggit din sa binasang sulat ni Odchimar na maging ang CBCP ay hati sa pagtukoy kung naaayon sa turo ng Simbahan ang paghingi ng naturang mga obispo ng pondo mula sa ahensiyang nagpapatakbo ng sugal sa bansa.

"Some members of the Church believe in the innocence of the bishops in the issue, while others do not."

Sinabi rin sa CBCP letter na nagdulot ng kalituhan sa publiko ang pagkakadawit ng kanilang mga obispo sa isyu.

Nabatid na batay sa naunang akusasyon ni PCSO chairperson Margarita Juico, kabilang sa mga obispo na umano’y tumanggap ng mamahaling sasakyan mula sa pondo ng PCSO ay sina Bishop Juan de Dios Pueblos ng Diocese of Butuan, Archbishop Romulo G. Valles ng Zamboanga Archdiocesan Social Action Apostolate, Archbishop Orlando B. Quevedo ng Archdiocese of Cotabato, Bishop Leopoldo C. Jaucian ng Bangued, Abra, Bishop Martin Jumoad ng Roman Catholic Prelate of Isabela, Basilan at Apostolic Vicariate Bontoc sa pamamagitan ni Bishop Rodolfo F. Beltran.

Tiniyak naman ng CBCP na handang harapin ng naturang mga obispo kung meron man silang paglabag o iligal na ginawa. Pero giit ni Odchimar na walang malisya sa kanilang mga iginawi dahil layunin lamang nila ang makatulong sa mga mahihirap.

Makatwiran nga bang tumanggap ng donasyon ang simbahan galing sa PCSO?

Che-che Cardinoza - Para sa akin, kung galing sa masamang bagay ang perang idodonasyon sa simabahan ay hindi iyon dapat kasi parang niloko natin ang ating mga sarili dahil alam naman natin na iyon ay galing sa kasalanan.

Edmer Beltran - Naku talagang hindi dapat! Sigurado akong alam ‘yan ng mga taong naka-posisyon sa loob ng simbahan kaya huwag na nilang guluhin ang sistema ng donasyos dahil alam nila na mali iyon at huwag na nilang gawing tama.

Faye Zavala - Tandaan natin na ang tao ay hindi lamang sa mabubuting gawa naliligtas, kailangang sumunod sa utos upang labanan ang gawa ng kasalanan. Kahit na sabihing ang donasyong kanilang tinatanggap mula sa sugal ay kanilang itinutulong sa mga nangangailangan, kailanman ay hindi iyon magiging tama.